One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

3 sundalo patay sa chopper crash sa Sulu

PATIKUL, Sulu – Ipinadala na ni Air Force chief Oscar Rabena ang mga imbestigador ng Philippine Air Force (PAF) para suriin ang sanhi ng pagbagsak ng isa nilang helicopter sa bulubunduking bahagi ng Patikul, Sulu.

Sa nasabing aberya, tatlo ang napatay habang isa pang sakay ang malubhang nasugatan.

Pinabulaanan naman ng PAF na dalawang helicopters ang nag- crash taliwas sa unang ibinalita ng PNP.

Inihayag ni Air Force spokesperson Lt. Col. Miguel Okol, naghahatid ng supply ng mga sundalo ang helicopter ng magkaaberya habang nagsasagawa ng precautionary landing.

Tumanggi muna ang PAF na pangalanan ang mga biktima hanggat hindi pa naaabisuhan ang kanilang mga pamilya.

Julaton, duguan pero wagi vs challenger

MEXICO – Napanatili ngayon ni Ana Julaton ang kanyang WBO super bantamweight title matapos nitong talunin sa pamamagitan ng unanimous decision ang kalabang si Jessica Villafranca sa Polifuncional Sports Complex sa Yucatan, Mexico.

Hindi naman naging madali ang laban para kay Julaton dahil pumutok ang kanyang kanang kilay matapos tamaan ng head-butt.

Sa unang bahagi pa lamang ng laban, nakitaan na ang Pinay boxer ng kakaibang galing, bilis at pagkaagresibo kaya kontrolado nito ang 10-round bout.

5-M food packs sa Bulacan – Sec. Soliman

Mahigit limang milyong food packs ang ipinadala na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Hagonoy at Calumpit, Bulacan.

Sinabi sa Bombo Radyo ni DSWD Sec. Dinky Soliman, tuloy- tuloy din ang kanilang ipinapadalang tulong para makaraos ang mga nasalantang kababayan.

Ayon kay Soliman, may energy biscuits na rin silang ipinadala sa provincial capitol kagabi mula sa World Food Program para may makain ang mga naiipit sa baha.

Maganda umano ito dahil tiyak na hindi pa makaluto ang mga kababayang nalubog sa tubig-baha ang kanilang mga bahay.

‘Walang kukunsintihin kung may pumalpak’

Tiniyak ngayon ng Malacañang na walang sasantuhin o pagtatakpan sakaling magkakaroon ng imbestigasyon sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam sa Central Luzon.

Magugunitang nais ni Bulacan Gov. Willy Alvarado na may managot sa nangyaring pagbaha sa kanyang lalawigan dahil sa paniwalang may pagkakamali sa sabayang pagpapakawala ng tubig.

Sinabi ngayon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, malaya ang mga kongresista kahit kaalyado ng Pangulong Aquino para magsagawa ng imbestigasyon kung kinakailangan.

Ayon kay Valte, hinihintay na lamang nila ang flood impact report at paliwanag ng National Power Corporation na may superbisyon sa mga dam, DILG at Pagasa.

Dragon Boat Team sasabak na rin sa rescue ops


Kinumpirma ngayon AFP Public Information Office chief Arnulfo Burgos na sasabak na rin sa rescue operation ang kampeon na Philippine Dragon Boat Team.

Sinabi ni Col. Burgos na nagboluntaryo na ang koponan na kinabibilangan ng mga sundalo dahil wala silang pagsasanay ngayong linggo.

Ayon kay Burgos, ginagawa na ngayon ang mga kinauukulang koordinasyon para sa lalong madaling panahon ay maideploy sa Bulacan ang Dragon Boat Team.

Rescue ops, puspusan sa patuloy na pagbaha


Nanawagan ngayon ng tulong ang Office of Civil Defense (OCD) sa Region 3 para sa rescue operation sa mga residenteng biktima ng malawakang pagbaha sa Calumpit, Bulacan at 17 bayan sa Pampanga.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Region 3 director Josefina Timoteo, nagpapatuloy ang rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensiya gobyerno sa mga residenteng binabaha pa rin.

Inihayag ni Timoteo na bagama’t wala ng pag-ulan sa Pampanga, Bulacan, Tarlac at Nueva Ecija ay tumataas pa rin ang tubig baha bunsod ng nagdaang bagyong Pedring na naipon umano sa nasabing mga lugar.

Ruling sa landmark case, itutuloy ngayon sa HK


Inaasahang matutuloy na ngayong araw ang paglabas ng Hong Kong court ng landmark ruling hinggil sa issue ng residency ng mga dayuhang domestic helpers (DH).

Kung maaalala, kahapon sana ito itinakda ni High Court Judge Johnson Lam subalit napilitang ipagpaliban ang sesyon bunsod ng pananalasa ng tropical cyclone na Pedring (typhoon Nesat) na nanggaling sa Pilipinas.

Ang nabanggit na landmark case ay unang isinampa ni Evangeline Banao Vallejos, isang overseas Filipino worker (OFW) na mahigit 25 taon na ring nagtatrabaho sa Hong Kong, subalit tinanggihang bigyan ng permanent residency.

Sa ilalim ng Hong Kongs Basic Law, maaaring mag-apply ng permanent residency ang isang dayuhan kapag nanatili ito sa Hong Kong ng mahigit pitong taon.

Mga broadcasters bilang ‘environmental warriors’


Kasunod ng pinsala ng bagyong Pedring at nagbabantang panibagong bagyo na Quiel, tuloy na tuloy pa rin bukas ang nationwide, simultaneous tree-planting activity sa pangunguna ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Target ng aktibidad ang pagtatanim ng 200,000 mga seedlings at makatulong ang mga broadcasters sa pagsusulong sa environmental awareness sa bansa lalo na sa epekto ng global warming.

Ayon kay KBP national Chairman Herman Z. Basbaño, napapanahon ang naturang programa bilang pagsuporta na rin sa proyekto ng gobyerno na greening program.

Nagkataon din na eksaktong ngayong linggo ay ginugunita ang ika-dalawang taon matapos na mangyari ang malaking pagbaha sa bansa dulot ng bagyong si Ondoy.

4 na estudyante sugatan sa pananalasa ng ipo-ipo sa South Cotabato


KORONADAL CITY – Apat ka estudyante ang biktima ng pananalasa ng ipo-ipo sa isang paaralan sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.
Kinilala ni S/Insp. Joan Maganto, chief of police ng Tantangan PNP ang mga biktima na sina Christine Jane Ogayco, Ashley Nicole Dela Cruz, Merian Anota Tonito at Loverlyn Laganto na estudyante ng Bukay Pait Elementary School sa naturang bayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Tantagan PNP, masyadong malakas ang hangin na tumama sa naturang lugar kung saan nag-collapse ang stage ng paaralan. 

P3.4-bilyon pinsala ni ‘Pedring’ – NDRRMC

Umabot na sa mahigit tatlong bilyong piso ang halaga ng pinsala ng pananalasa ng nagdaang bagyong Pedring sa imprastraktura at agrikultura sa Pilipinas.

Sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P3,428,265,066 na ang halaga ng pinsala kung saan pinakamalaki dito ay mula sa agrikultura kung saan umabot sa mahigit P3.2 bilyon habang nasa P143 milyon sa imprastraktura.

Lumobo na rin sa 39 ang bilang ng mga nasawi, 31 ang patuloy na nawawala habang 43 ang mga nasugatan.

Sa ngayon ay nananatili pa rin sa 679,565 na katao ang apektado ng kalamidad kung saan nasa 164,293 indibidwal ang nasa loob ng evacuation centers mula sa Region I,II, III, IV-A, IV-B, V, CAR at National Capital Region.

Tuguegarao, isinailalim na rin sa state of calamity

TUGUEGARAO CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang lungsod ng Tuguegarao dahil sa malawakang pagbaha sa iba’t ibang barangay bunga ng bagyong Pedring.

Sa isinagawang special session kanina ng sangguniang panglungsod, inaprubahan ng kapulungan ang rekomendasyon ni Mayor Delfin Ting na siyang chairman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na ideklara ang state of calamity sa lungsod.

Ito ay upang magamit ang kanilang calamity fund para mabigyan ng paunang tulong ang mga binahang residente.

Batay sa tala ng CDRRMC, umabot sa 3,485 pamilya na binubuo ng 12,851 indibidwal ang apektado ng pagbaha mula sa 23 barangay matapos magmistulang karagatan ang maraming bahagi ng lungsod bunsod ng pagpapakawala ng tubig ng Magat dam sa Ramon, Isabela.

Mas malawak na protesta vs PAL – PALEA


Tinawag na scare tactics o pananakot lamang ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) ang banta ng Philippine Airlines (PAL) at Malacañang na pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nagsagawa ng protesta noong Martes na nagdulot ng pagkaparalisa ng operasyon ng airline company.

Sa isang pahayag, sinabi pa ni Gerry Rivera, ang pangulo ng union ng mga ground workers, na “good luck” umano para sa flag carrier ng bansa.

Giit ni Rivera, bagama’t may nakaapekto ang kanilang isinagawang protesta sa operasyon ng PAL, pero sinisi nito ang bagyong Pedring kung bakit bumagsak ang computer systems at iba pang communication facilities ng kompaniya na nagdulot ng malawakang pagkaantala at kanselasyon ng mga biyahe.

PAL flights kanselado dahil sa workers’ strike

Kinansela na ng Philippine Airlines (PAL) ang lahat ng biyahe ng domestic at international flights simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 mamayang gabi kasunod ng walkout ng mga empleyado na miyembro ng PAL Employees Association (Palea).

Sinabi ngayon ni PAL spokesperson Cielo Villaluna, dahil sa strike ng mga manggagawa simula kaninang alas-7:00 ng umaga ay wala nang nagsasaayos ng mga bagahe ng mga pasahero.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA-2) ay napakaraming mga pasahero ang stranded na nataon pa sa pagdaan ng bagyong Pedring.

Nagbabala ang PAL na gagawa ng legal na action laban sa mga manggagawa dahil sa paglabag umano sa batas na nakaapekto sa air service.

1 patay, 4 nawawala dahil sa bagyong Pedring

Nakapagtala na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng isang patay habang apat ang nawawala dahil sa pananalasa ng bagyong Pedring.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NDRRMC executive director Benito Ramos, kinilala nito ang nasawi na si Chawn Andrie Daliora, isang taong gulang na nahulog sa creek sa Cabugao, Bato Catanduanes.

Kabilang naman sa mga nawawala ay sina Neil Bandariel, 32 taong gulang; Victor Cararot, 37 taong gulang pawang residente ng San Narciso, Quezon.

‘Mata ng bagyo nag-landfall sa Aurora-Isabela’



Tumama na ang mata ng bagyong si Pedring sa pagitan ng lalawigan ng Aurora at Isabela nitong alas-4:00 ng umaga.

Ayon sa Pagasa, tatahakin ng bagyo ang lalawigan ng Quirino, Nueva Viscaya, Buenguet at lalabas sa bahagi ng La Union.

Huling namataan ang lokasyon ng bagyo sa layong 15 kilometro sa hilagang silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na umaabot sa 170 kilometro bawat oras.

‘Bar exam blast victim: Nabago ang aking buhay’


Tahimik lang na ginunita ni Raissa Laurel, ang law student na biktima ng 2010 Bar exams blast, ang unang anibersaryo ng malagim na pangyayari na naging sanhi upang maputulan siya ng paa.

Sa kaniyang Twitter post, inihayag ni Laurel na nanatili lang siya sa bahay.

Pero ito raw ang araw na hindi niya makakalimutan sa kaniyang buhay.

Todo ang pasalamat ni Laurel sa Panginoon dahil sa pangalawang buhay umanong ibinigay sa kaniya.

Ang bilis lang aniya ng panahon at isang taon na ang insidente na nagpabago umano sa kaniyang buhay.

Pacman No. 1 pa rin sa P4P rating; Floyd, 2nd


Patuloy pa ring dominado ni 8-division world champion Manny Pacquiao ang latest boxing rankings ng Yahoo! Sports.

Sa kabila ng matagumpay na comeback fight ni former pound-for-pound king Floyd Mayweather Jr. kontra kay Victor Ortiz, hindi pa rin nito natinag ang posisyon ng Filipino ring icon.

Si Pacquiao ay nakakuha ng 413 points habang si Mayweather ay mayroon lamang 390.

Samantala, pasok din sa talaan ang current WBC/WBO bantamweight champion na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire.

Si Donaire ay nasa pang-apat na puwesto matapos makakuha ng 262 points.

‘Batanes, tatamaan ng papasok na bagyo’

(Update) Bahagya umanong nagbago ng direksyon ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Visayas.

Sa pinakahuling advisory mula kay Department of Science and Technology (DOST) Usec. Graciano Yumul, inaasahan umanong tatama ang sama ng panahon sa bahagi ng Batanes.

Maalala na unang inanunsyo ng opisyal na tinatahak ng LPA ang direksyon patungong Cagayan Province.

“Lumalabas sa latest numerical forecast natin na magla-landfall po siya sa Batanes. At ang landfall ho niya ay hindi na sa Martes, Huwebes na po,” ayon sa opisyal.

P-Noy, ibinida ang accomplishment sa U.S.

Masayang ibinida ng Pangulong Noynoy Aquino ang magandang resulta ng kanyang working visit sa Estados Unidos.

Sa kaniyang pagdating kaninang madaling araw, sinabi ng Pangulo na ilang kompaniya sa Amerika ang nangakong mamumuhunan sa bansa.

Kabilang umano rito ang planong pag-invest ng dalawang U.S. company sa tinatawag na coco-waters o buko juice sa Pilipinas kung saan lumalaki ang demands sa Amerika at Europa.

Umaasa ang Pangulong Aquino na lilikha ito ng maraming oportunidad at trabaho lalo na sa mga kanayunan.

‘Wholesome’ at ‘di ‘sex tourism’ – DoT



Kinontra ng Department of Tourism (DoT) ang naging deklarasyon ni US Ambassador to the Phils. Harry Thomas na 40 porsyento ng mga lalaking dayuhang turista na nagtutungo sa Pilipinas ay dahil sa sex.

Ayon kay Tourism spokesman at Asec. Bong Bengzon, wala itong katotohanan kung pagbabatayan ang kanilang mga pag-aaral at istadistika.

Wala pa umano silang ideya kung saan nakakuha ng impormasyon ang US envoy lalo na sa pahayag nito na umaabot sa 40 porsyento sa mga dayuhang lalaki ay nagtutungo sa Pilipinas dahil sa sex tourism.

‘Hello Garci’ recording, iimbestigahan ng DoJ


Kasama na umano sa pinag-aaralan ng fact finding committe ng DoJ at Comelec ang kontrobersyal na Hello Garci recording na siyang pinagmulan ng alegasyon ng dayaan sa eleksyon noong 2004.

Ayon kay De Lima, pinayuhan na rin niya ang komite na imbitahan sa imbestigasyon si dating Sharia Court Judge Nagamura Moner.

Nauna nang idinawit ni Moner si dating First Gentleman Mike Arroyo na nasa likod umano ng vote buying sa ilang bahagi ng Mindanao noong 2004 presidential election para matiyak umano ang panalo ni dating pangulong Gloria Arroyo laban kay Fernando Poe Jr.

‘MR sa SC TRO ng ARMM poll, minamadali na’


NEW YORK – Inihahanda na umano ng gobyerno ang motion for reconsideration sa temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court laban sa pagpapaliban ng ARMM elections.

Ginawa ng Pangulong Benigno Aquino III ang pahayag sa media interview sa New York City.

Sinabi ng Pangulo na dapat nilang bilisan ang paghahain ng mosyon dahil September na matatapos ang termino ng mga naupong ARMM officials.

“We are preparing an MR. There�s urgency because September 30 is the termination of the term,” ani Pangulong Aquino.

Pacman, focus sa footwork at speed sa training ngayong araw

BAGUIO CITY – Sumalang na sa matinding ensayo si pound-for-pound king Manny Pacquiao sa kanyang ikalawang araw na high altitude training sa lungsod ng Baguio.

Alas-7:00 pa lang ng umaga ay sinimulan ni Pacquiao ang kanyang pag-eensayo upang masigurado na nasa hustong kondisyon siya sa laban nila ni Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas

Kasama ni Pacman ang buong Team Pacquiao na nagtungo sa Santa Lucia Subdivision upang doon na ipagpatuloy ang kanyang pag-eensayo kung saan nag-focus ito sa speed at footworks.

Kasama ni Pacman na nag-ensayo ang ibang boksingero tulad ni Rodel Mayol at Dennis Laurente na sumabak din sa matinding training.

Isa sa mga posible at inaasahang mapipili sa undercard trilogy nina Marquez at Pacquiao ay si Laurente kung kaya’t maaga palang ay pinaghahandaan na nito ang laban.

Single engine plane, bumagsak sa Bulacan

Isang single engine na eroplano ang bumagsak sa may bukirin sa Poliland, Bulacan kaninang alas-11:50 ng tanghali.

sa isang rice field lulan ng dalawang pasahero

Ayon kay Poliland PNP chief Myrna Reyes, ligtas naman ang dalawang sakay ng eroplanong RPC-7087 na kinabibilangan ng piloto at pasahero nito.

Galing aniya ng Pinabatan, Bulacan ang nasabing eroplano ng isang flying school.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.

Habang tumanggig magbigay ng pahayag ang dalawang sakay na ngayon ay nakabalik na sa naturang flying school.

Hacienda Luisita farmers, humiling ng dialogue kay De Lima

Muling nangalampag sa harapan ng Department of Justice (DoJ) ang mahigit sa 50 magsasaka mula sa Hacienda Luisita upang isumbong ang umano�y nagaganap na militarisasyon sa lugar.

Pinangunahan ito ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) kung saan nagsumite rin sila ng position paper at letter of request sa tanggapan ni Justice Secretary Leila de Lima para hilingin na magkaroon ng dialogue sa nasabing isyu.

Ayon kay UMA secretary general Rodel Mesa, 10 barangay sa Hacienda Luisita ang umano�y pino-postehan ng mga militar na nagdudulot ng tensyon at pangamba sa mga magsasaka roon.

PAL flight patungong Japan, kanselado dahil kay ‘Onyok’

Nag-abiso sa publiko ang Philippine Airlines na isang flight nila patungong Tokyo, Japan ang kanselado ngayong alas-2:30 ng hapon.

Ayon kay PAL spokesman Cielo Villaluna, ito ay dahil sa inaasahang pagtama roon ng bagyong Onyok (international codename: Roke).

Pero nilinaw ni Villaluna na ang mga pasahero sa nakanselang PAL PR 432 ay maaaring makapag-book ng flight sa PAL PR 4327 na aalis ganap na alas-3:30 bukas ng madaling araw.

5 patay, 7 sugatan sa grenade blast sa Tarlac

Patay ang limang katao habang pito naman ang sugatan sa pagsabog ng granada kagabi sa San Isidro, Lapaz, Tarlac.

Sa inisyal na ulat ng Tarlac PNP, hinagisan umano ng granada ng nakamotorsiklong suspek ang Eliza videoke bar sa lugar.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Rebecca Pineda, Edwin Bernardo, Maria Theresa Labagala, Ronaldson Abello na pawang idineklarang dead on arrival sa La Paz Medicare Hospital at isang “Kim” na nasawi naman sa Paulino J. Garcia Hospital sa Cabanatuan City.

P-Noy, kinilala ang internet sa governance

NEW YORK � Ipinagmalaki ngayon ni Pangulong Noynoy Aquino na maging ang kanyang administrasyon ay hindi na rin nagpapahuli sa paggamit ng social networking sites para mapagbuti pa ang pamamahala sa bansa.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng isinagawang forum na “The Power of Open: A Global Discussion” sa main office ng Google sa New York City.

Sinabi ng Pangulo na katunayan ay may Official Gazette na itinatag ng kanyang Communications Group kung saan inilalabas ang mga executive issuances at mga impormasyong dapat malaman ng publiko.

Obama sa last Gadhafi forces: Sumuko na kayo


NEW YORK – Nanawagan si US President Barack Obama sa mga huling puwersa ni Moammar Gadhafi na sumuko na.

Sa high-level conference sa New York bago ang United Nations General Assembly, inihayag ni Obama na babalik na sa Libya ang ambassador ng Amerika.

Muli aniyang itataas ang bandila ng US sa Tripoli na tinanggal nang magsimula ang civil war sa Libya na naging dahilan ng pagbagsak ng rehimen ni Gadhafi.

Tiniyak ng Pangulo na tutulong ang Amerika sa rebuilding ng Libya.

“Today, the Libyan people are writing a new chapter in the life of their nation,” ani Obama. “We will stand with you in your struggle to realize the peace and prosperity that freedom can bring.”

‘Classroom ng DepEd-DPWH, masyadong mahal’

Pinatutukan ni Senate finance committee chairman Franklin Drilon sa Commission on Audit (COA) ang aniya�y sobrang laking budget ng Department of Education at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bawat public school classroom.

Sa budget deliberation ng Senado sa (DepEd) budget, nalaman na 650,000 ang budget sa bawat 7×9 meters na classroom sa DepEd-DPWH program.

2 testigo sa poll fraud, nasa provisional WPP

Matapos dumulog sa Department of Justice (DoJ), agad isinailalim sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) ang dalawang dating election supervisor na testigo sa umano’y dayaan noong 2007 senatorial elections.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, sina Atty. Lilian Radam at Atty. Yogie Martirizar ay parehong nag-apply para sa WPP coverage at pawang pasok sa basic criteria ng programa kaya agad nilang inaksyunan.

Ang dalawa ay parehong kinasuhan sa Comelec ng electoral sabotage ni Sen. Koko Pimentel, bagama�t si Radam pa lamang ang nakakasuhan sa hukuman.

2 pang testigo sa 2007 poll fraud, lumantad


Lumutang ngayon sa Department of Justice (DoJ) ang dalawa pang testigo sa dayaan sa eleksyon noong 2007.

Kasamang humarap sa media ni Justice Sec. Leila de Lima sina Atty. Lilian Radam, acting provincial election supervisor at chair ng board of canvassers sa South Cotabato noong 2007 at Atty. Yogi Martirizar, acting election supervisor at chairman ng board of canvassers sa North Cotabato noong 2007.

Ang dalawa ay parehong kinasuhan sa Comelec ng electoral sabotage ni Sen. Koko Pimentel.

Palasyo, ‘di tiyak kung sabit si CGMA re: Garcia


Walang katiyakan ang Malacañang kung aabot kay dating Pangulong Gloria Arroyo ang hahabulin sa nabinbing pagpapakulong kay dating AFP comptroller at retired M/Gen Carlos Garcia.

Magugunitang balak ngayon na imbestigahan ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND) na posibleng umupo lamang sa sentensya ng Court Martial laban kay Garcia.

‘Transport holiday’ halos ‘no effect’ – LTFRB

Halos walang epekto ang ginaganap na tigil pasada ng ilang grupo ng drivers at operators ng jeepney sa maraming lugar sa bansa.

Ito ang naging assessment ngayong tanghali ni LTFRB Chairman Jaime Jacob.

Aniya, tanging ang Laguna at Cavite ang maraming sumama sa strike ng mga jeepney.

Habang sa Cagayan de Oro naman ay bahagyang naapektuhan kaninang madaling araw ang 40 porsyento ng mga namamasada dahil may ilang nagpoprotesta ang nagpakalat ng spike.

Umaksyon din naman kaagad ang mga pulis at napigil ito kaya kaninang dakong alas-9:00 ng umaga ay balik normal na ang pasada ng pampublikong mga sasakyan.

Floyd, hindi nagmamadali sa Pacquiao face off


Taliwas sa inaasahan ng lahat na mangyayari na ang Floyd Mayweather Jr. versus Manny Pacquiao event sa susunod na taon, inihayag ngayon ng bagong WBC welterweight champion na hindi siya nagmamadali para sa nasabing laban.

Sa katunayan, inanunsyo ni Mayweather na nais muna niyang magpahinga muli ng 16 na buwan para masulit ang bakasyon kasama ang pamilya.

“I move when I want to move. I fight when I want to fight. That’s the great thing about being my own boss. … Since I gave the sport so many great fights, is it okay for me to take 16 months off to spend time with family? That’s all I ask.”

‘Pasok sa elementary, HS, ‘di apektado ng strike’


Wala umanong kanselasyon ng klase ngayong araw, sa kabila ng nangyayaring transport strike sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at mga lalawigan.

Sa isang kalatas, inaabisuhan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng mga pampublikong paaralan na tuloy ang pasok sa kinder, elementary at secondary levels.

Batay na rin umano sa assessment ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bagama’t may pagkaantala ang biyahe subalit hindi naman 100 percent na paralisado ang biyahe.

Apela ni Garcia, ipauubaya sa Malacañang – DND



Ipinauubaya na ng Department of National Defense (DND) sa Malacañang ang pagharap sa gagawing apela ni dating military comptroller Carlos Garcia, kaugnay sa ipinataw na 2-year hard labor dito dahil sa paglabag sa tinatawag na Articles of War.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Department of National Defense (DND) spokesman Col. Hernando Iriberri, nagpahayag ng tiwala ang opisyal na dumaan sa masusing pag-aaral ng mga legal minds ng Palasyo ang ginawang pag-apruba ng commander-in-chief ng ipinataw na sentensiya kay Garcia.

Ortiz, humingi ng rematch vs Floyd Jr


LAS VEGAS – Humingi ngayon ng rematch si dating World Boxing Council (WBC) welterweight champion Victor Ortiz, matapos ang nasaklap at kontrobersiyal na pagkatalo laban kay Floyd Mayweather Jr.
Bagama’t tanggap na ng former champion ang kabiguan, pero iginiit nitong may malaking pagkakamali ang referee na si Joe Cortez.

Ayon pa kay Ortiz, wala umanong malinaw na pasabi sa kanila ang referee na tuloy na ang laban bunsod ng ginawa nitong intentional headbutt.

Supsup, bilang ‘tourism champ’ OK sa Palasyo


Bukas ang Malacañang sa panukalang gawing ‘tourism champion’ si Miss Universe 2011 third runner-up Shamcey Supsup para i-promote ang Pilipinas bilang prime tourist destination.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, may ‘sense’ ang proposal ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone dahil maituturing na asset ng bansa si Miss Supsup.

‘Habagat dahilan ng ulan; bagong bagyo asahan’


Inaasahan na hanggang sa araw ng Huwebes pa magtuloy-tuloy ang mga kalat-kalat na pag-ulan sa malawakang bahagi ng Pilipinas lalo na sa Luzon.

Sinabi ngayong umaga ni Usec. Graciano Yumul ng Pagasa-DOST, epekto pa rin ito ng hanging habagat ng bagyong si Onyok bagamat nasa labas na ng Philippine area of responsibility.
Partikular umanong madalas na mararanasan ang pabugso-bugsong ulan ay ang bahagi ng Bulacan, Cavite at Metro Manila.

Noy sa PNP, MMDA: Tiyaking payapa ang strike



Pinatitiyak ng Pangulong Noynoy Aquino ang seguridad at kaayusan sa gagawing tigil-pasada ng grupong PISTON ngayong araw.Ang nasabing transport strike ay inaasahang sasabayan din ng kilos-protesta ng mga militanteng grupo na kaalyado ng PISTON.

Sinabi ng Pangulo na alam na ng MMDA at PNP ang dapat gawin kung may manggugulo sa strike.Ginawa ng Pangulo ang direktiba kina MMDA chairman Francis Tolentino at PNP chief Nicanor Bartolome bago tumulak papuntang US kagabi.