One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

‘Bar exam blast victim: Nabago ang aking buhay’


Tahimik lang na ginunita ni Raissa Laurel, ang law student na biktima ng 2010 Bar exams blast, ang unang anibersaryo ng malagim na pangyayari na naging sanhi upang maputulan siya ng paa.

Sa kaniyang Twitter post, inihayag ni Laurel na nanatili lang siya sa bahay.

Pero ito raw ang araw na hindi niya makakalimutan sa kaniyang buhay.

Todo ang pasalamat ni Laurel sa Panginoon dahil sa pangalawang buhay umanong ibinigay sa kaniya.

Ang bilis lang aniya ng panahon at isang taon na ang insidente na nagpabago umano sa kaniyang buhay.

Nagpasalamat din ito sa dasal at suporta ng mga kaibigan at pamilya.

Kasabay nito ay binati pa ni Raissa ng “happy birthday” ang kaniyang mga prosthetic legs.

Binaha naman ang timeline ni Laurel sa Twitter ng mga mensahe ng suporta at pasalamat sa pagiging inspirasyon ng dalaga at pinuri sa katatagan nito.
Si Raissa ay bahagi na ngayon ng staff ni Sen. Koko Pimentel.

Samantala, inamin naman ng Department of Justice (DoJ) na wala pa ring nararating ang kaso ng 2010 bar exam blast kahit isang taon na ang nakalipas.

Ito ay kasunod ng delay sa pagdinig sa kaso dahil na rin sa mga petisyon at mosyon na isinusumite ng magkabilang panig.

Nabatid na nagbitiw sa paghawak sa bar blast case ang piskal na may hawak sa kaso dahil sa delicadeza kasunod ng ilang beses na paghahain ng akusado na si Anthony Leal Nepomuceno na miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity ng motion for inhibition laban kay Gaerlan.

Sinabi ng piskal na base sa kanyang naunang desisyon ay nakitaan ng probable cause upang maisampa sa korte ang kaso laban sa suspek ngunit dahil sa mosyong inihain ng respondent ay nabalam ang pag-aakyat ng kaso sa korte.

Matatandaan na aabot sa 47 ang sugatan sa nasabing pagsabog sa tradisyunal na salubong sa huling araw ng bar examination noong nakaraang taon sa harap ng De La Salle University, lungsod ng Maynila.

No comments:

Post a Comment