One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

Obama sa last Gadhafi forces: Sumuko na kayo


NEW YORK – Nanawagan si US President Barack Obama sa mga huling puwersa ni Moammar Gadhafi na sumuko na.

Sa high-level conference sa New York bago ang United Nations General Assembly, inihayag ni Obama na babalik na sa Libya ang ambassador ng Amerika.

Muli aniyang itataas ang bandila ng US sa Tripoli na tinanggal nang magsimula ang civil war sa Libya na naging dahilan ng pagbagsak ng rehimen ni Gadhafi.

Tiniyak ng Pangulo na tutulong ang Amerika sa rebuilding ng Libya.

“Today, the Libyan people are writing a new chapter in the life of their nation,” ani Obama. “We will stand with you in your struggle to realize the peace and prosperity that freedom can bring.”

Dagdag pa ni Obama, dapat maintindihan ng mga loyalist ni Gadhafi na tapos na ang rehimen ng dating lider kaya panahon na aniya para isuko ng mga ito ang kanilang armas at sumali sa bagong Libya.

“Those still holding out must understand – the old regime is over, and it is time to lay down your arms and join the new Libya,” dagdag pa ni Obama.

Pero inihayag naman ng tagapagsalita ni Gadhafi na si Moussa Ibrahim na taon pa ang itatagal ng giyera at may sapat umanong armas ang mga loyalist ni Gadhafi para lumaban.

Inihayag pa ni Ibrahim na may nahuli raw silang 17 foreign mercenaries na kinabibilangan umano ng French at mga British.

Ngunit kaagad itong pinabulaanan ng military spokesman ng National Transitional Council.

Iginiit din ni French Foreign Minister Alain Juppe na wala silang mercenaries sa Libya habang inihayag naman ng British foreign office na wala silang ideya kung may katotohanan ang mga sinasabing ito ng kampo ni Gadhafi.

Samantala, lumikas na ang mga libu-libong sibilyan sa hometown ni Gadhafi na Sirte kaya’t hindi muna nagsagawa ng pag-atake ang Libyan rebels. (AP)

No comments:

Post a Comment