Sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P3,428,265,066 na ang halaga ng pinsala kung saan pinakamalaki dito ay mula sa agrikultura kung saan umabot sa mahigit P3.2 bilyon habang nasa P143 milyon sa imprastraktura.
Lumobo na rin sa 39 ang bilang ng mga nasawi, 31 ang patuloy na nawawala habang 43 ang mga nasugatan.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa 679,565 na katao ang apektado ng kalamidad kung saan nasa 164,293 indibidwal ang nasa loob ng evacuation centers mula sa Region I,II, III, IV-A, IV-B, V, CAR at National Capital Region.
Nasa 34 na tulay at lansangan parin ang hindi madadaanan sa Regions II, III, IV-B, V at CAR.
Isinailalim na rin sa state of calamity ang lungsod ng Santiago sa Region II, bayan ng Obando, Calumpit at Meycauayan City sa Bulacan at Tuguegarao City.
Maging ang Olongapo City, Dinalupihan sa Bataan; Tarlac City, Nueva Ecija, Noveleta sa Cavite, kabilang ang Malabon, Navotas at Marikina sa National Capital Region.
Nakatakda namang isailalim sa state of calamity ang Isabela at Nueva Vizcaya sa Region II.
Nanatili naman na nakaalerto ang mga tauhan ng NDRRMC sa harap ng nakaambang pagtama sa kalupaan ng Northern Luzon ng bagong bagyo na si Quiel.
No comments:
Post a Comment