Sa isinagawang special session kanina ng sangguniang panglungsod, inaprubahan ng kapulungan ang rekomendasyon ni Mayor Delfin Ting na siyang chairman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na ideklara ang state of calamity sa lungsod.
Ito ay upang magamit ang kanilang calamity fund para mabigyan ng paunang tulong ang mga binahang residente.
Batay sa tala ng CDRRMC, umabot sa 3,485 pamilya na binubuo ng 12,851 indibidwal ang apektado ng pagbaha mula sa 23 barangay matapos magmistulang karagatan ang maraming bahagi ng lungsod bunsod ng pagpapakawala ng tubig ng Magat dam sa Ramon, Isabela.
Inatasan naman ni Ting si City Social Welfare Development Officer Myrna Te na iprayoridad na pagkalooban ng relief goods ang mga mahihirap na naapektuhan ng bagyo.
Inihahanda kasi sa mga magiging biktima ng kalamidad na maaari pang tumama sa lugar ang ibang bahagi ng kanilang P7.4 million na quick response fund batay na rin sa bagong panuntunan ng paggamit ng calamity fund.
Kaugnay nito, pitong bayan na kinabibilangan ng lungsod ng Tuguegarao ang labis na naapektuhan ng pagbaha sa probinsiya.
Nagkaloob na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga binahang residente.
Samantala, dalawa na ang naitalang namatay habang anim ang sugatan sa nangyaring pananalasa ng bagyong Pedring sa lalawigan.
Binawian ng buhay si Charlie Ignacio, 53, residente ng Atulayan Sur, Tuguegarao City matapos mahulog at mabagok ang ulo habang iniaakyat ang mga kagamitan sa ikalawang palapag ng kanilang bahay makaraang abutin ng tubig-baha.
Una rito namatay si Delia Cacas, residente ng Paoay, Ilocos Norte habang nasugatan ang anim na pasahero ng Florida bus na bumalgktad sa isang palayan sa Brgy. Bagu, Pamplona sa kasagsagan ng pananalasa ni Pedring.
Samantala, unti-unti nang bumabalik sa normal na sitwasyon ang mga kalsada at tulay sa lambak ng Cagayan matapos na isinara dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.
No comments:
Post a Comment