Ito ang naging assessment ngayong tanghali ni LTFRB Chairman Jaime Jacob.
Aniya, tanging ang Laguna at Cavite ang maraming sumama sa strike ng mga jeepney.
Habang sa Cagayan de Oro naman ay bahagyang naapektuhan kaninang madaling araw ang 40 porsyento ng mga namamasada dahil may ilang nagpoprotesta ang nagpakalat ng spike.
Umaksyon din naman kaagad ang mga pulis at napigil ito kaya kaninang dakong alas-9:00 ng umaga ay balik normal na ang pasada ng pampublikong mga sasakyan.
Samantala, dumanas naman ng matinding sikip sa daloy ng trapiko ang ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila, ito ay sa kabila ang transport strike na pinangunahan ng grupong Piston.
Mangilan-ngilan lamang kasi ang sumali sa tigil pasada at sa halip na mabawasan ang mga bumabyahe lalong dumami ang mga sasakyan sa lansangan dahil tinanggal ang number coding scheme kaya’t halos domoble pa ang mga bumabyahe sa Kalakhang Maynila.
Partikular na nagsikip ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA hanggang Buendia.
Lalo pang nagpasikip sa daloy ng trapiko ang mga militante hinaharang ang bahagi ng kalye kaya’t lalong naperwisyo ang mga motorista.
Sa Monumento, Caloocan, nauwi sa kantyawan ang protesta ng may nasa 100 driver dahil tila nilalait ng mga ito ang kanilang mga kasamahang driver na hindi sumama sa tigil pasada.
Kabilang sa mga lugar ng nagkaroon ng kilos protesta ay ang España sa Maynila, Welcome Rotonda, sa Cubao at Sta. Mesa sa Maynila.
Tiniyak naman ni Transportation Secretary Mar Roxas na hindi na nila reresbakan pa ang mga sumali sa tigil pasada dahil karapatan umano ang mga ito na ilabas ang hinaing sa gobyerno.
Sa Cebu City, sa halip na tigil pasada ay nakisabay sa kilos protesta ang militanteng grupo.
Napag-alaman na daan-daang miyembro ang lumahok sa nasabing demonstrasyon na kinabibilangan ng Bayan, Kilusang Mayo Uno at ang NADSU mula sa transport sector.
Hinaing ng mga militante na mabigyang solusyon ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Hiling din ng grupo na maamyendahan ng mga mambabatas ang Oil Deregulation Law.
Sa ibang dako, maraming pasahero ang nagalit matapos pinababa sa kanilang sasakyan ng mga nagwelgang militante sa lungsod ng Heneral Santos.
Kahit marami pa ring sasakyan ang nakakalusot at patuloy sa pamamasada, ngunit sa J. Catolico Street kung saan doon nagtipon-tipon ang mga miyembro ng grupong Anak Pawis, ang bawat sasakyang magdaraan ay kanilang hinaharang at pinabababa ang mga pasahero.
Bunsod nito, marami ang nagalit at naglakad na lamang papunta sa kanilang destinasyon.
Ilan sa mga nasabing pasahero na pinababa sa sasakyan ay mga estudyante, mga pasyente na kalalabas lang ng ospital at papauwi na ng bahay, mga nagtatrabaho sa mall na naka-high heels pa at mga bata na nahirapan pang maglakad.
Dahil dito, rumisponde ang pulisya at hiniling sa mga welgista na huwag pababain ang mga pasahero.
Ipinagmalaki naman ng militanteng grupo na Bayan-Socsargen na may positibong resulta at maganda ang ibubunga ng kanilang isinagawang transport strike bilang suporta sa tigil-pasada ng mga pampasaherong drayber at operators sa pangunguna ng Piston sa buong bansa.
Sa kanilang sariling pagtaya nasa 70 hanggang 90 porsiyento umano ng mga drayber at operator sa lungsod ng Koronadal at General Santos ang nakibahagi sa nasabing pag-aaklas.
Sa Legazpi City, taliwas sa transport holiday tanging kilos protesta lamang ang isinasagawa ng iba’t ibang sektor ng transportasyon sa lalawigan ng Albay.
Isang dialogue rin sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang dinaluhan ng grupo ng Condor-Piston-Bicol.
Dito, nabigyan ng pagkakataong matalakay ang mga bagay may kinalaman sa “Pantawid Pasada Program” na madalas na hinaing ngayon ng naturang sektor.
Sa kabuuan, normal ang daloy ng trapiko sa buong lalawigan.
Sa Davao City, tinatayang aabot umano ng 60 hanggang 70 porsyentong paralisado ang takbo ng pampublikong transportasyon sa lungsod.
Inihayag ng Transmission-Piston na siyang nanguna sa tigil pasada, sinabotahe sila ng ibang transport group.
Dismayado tuloy sila dahil marami pa ring mga kasamahan ang patuloy na bumabyahe.
Naging mapayapa naman ang tigil pasada sa lungsod.
Sa Isabela, hindi nakiisa sa tigil pasada ang ilang transport groups.
Sinabi ng TSUFER-Region 2, nagbago ang kanilang plano mula nang magkaroon ng dayalogo sa pagitan ni Pangulong Noynoy Aquino at mga transport groups.
Nais nilang bigyan ng pagkakataon ang pamahalaan na tuparin at tugunan ang kanilang mga hinaing.
Ngunit lalahok na sila sa mga susunod na transport strike kung walang makikitang sagot ang pamahalaan sa kanilang mga reklamo pangunahin na ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa Iloilo City, sinabi ng regional coordinator Piston-Panay, kabilang sa makikilahok sa kilos protesta ay ang kanilang mga kasamahan sa Iloilo, Bacolod City at Roxas City.
Subalit nilinaw na hindi sila magsasagawa ng tigil pasada sa halip isang pikit protesta ang ilulunsad alas-3:00 mamayang hapon sa Plazoletagay sa lungsod ng Iloilo.
Sa Ilocos Norte, ilang grupo o asosasyon ng mga jeepney operators at drivers sa lalawigan ang hindi nakiisa sa transport strike.
Una nang sinabi ng mga operators at drivers na may rutang Laoag-Gabu na walang abiso sa kanila upang makiisa sa transport strike.
Maging ang mga kasapi ng Laoag-Banna Jeepney Operators and Drivers ay hindi rin sumasali sa strike.
Gayunman, aminado ang ilang opisyal ng grupo na maganda sana kung makikiisa rin sila upang lumakas ang protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Malaki umanong pahirap sa kanila ang patuloy na oil price increase lalo na sa mga nakikipasada lamang.
No comments:
Post a Comment