One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

‘Wholesome’ at ‘di ‘sex tourism’ – DoT



Kinontra ng Department of Tourism (DoT) ang naging deklarasyon ni US Ambassador to the Phils. Harry Thomas na 40 porsyento ng mga lalaking dayuhang turista na nagtutungo sa Pilipinas ay dahil sa sex.

Ayon kay Tourism spokesman at Asec. Bong Bengzon, wala itong katotohanan kung pagbabatayan ang kanilang mga pag-aaral at istadistika.

Wala pa umano silang ideya kung saan nakakuha ng impormasyon ang US envoy lalo na sa pahayag nito na umaabot sa 40 porsyento sa mga dayuhang lalaki ay nagtutungo sa Pilipinas dahil sa sex tourism.

Paglilinaw naman ng DoT, ang pangunahing layunin umano ng mga foreign visitors ay pagsa-shopping o 66 percent ay nagtutungo sa mga department stores at malls.

Aniya, ang focus nila ngayon sa ilalim ng bagong tourism secretary na si Ramon Jimenez ay i-promote ang Pilipinas bilang wholesome destination, promosyon sa mga cultural sites, magagandang beach at pagiging shopping destination.

Una rito sa ginanap na human trafficking conference, sinabi ni Thomas na apat sa 10 mga dayuhang lalaki na bumibisita sa Pilipinas ay hangad ang sex tourism.

Samantala, nanawagan naman si Thomas na dapat kasuhan ang sinumang kababayan niya na sangkot sa cyber sex sa Pilipinas.

Hindi umano ito katanggap-tanggap.

No comments:

Post a Comment