Nanawagan ngayon ng tulong ang Office of Civil Defense (OCD) sa Region 3 para sa rescue operation sa mga residenteng biktima ng malawakang pagbaha sa Calumpit, Bulacan at 17 bayan sa Pampanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Region 3 director Josefina Timoteo, nagpapatuloy ang rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensiya gobyerno sa mga residenteng binabaha pa rin.
Inihayag ni Timoteo na bagama’t wala ng pag-ulan sa Pampanga, Bulacan, Tarlac at Nueva Ecija ay tumataas pa rin ang tubig baha bunsod ng nagdaang bagyong Pedring na naipon umano sa nasabing mga lugar.
Kaugnay nito, pinag-iingat ng opisyal ang mga residente sa mga binabahang lugar dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig baha.
Samantala, dumipensa ang National Disaster Risk Reduction and Mangement Council (NDRRMC) sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam na higit umanong kailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng volume nito na posibleng umapaw at magdulot ng matinding pagbaha.
Sa panayam kay NDRRMC executive director Benito Ramos, lalo pang tumaas ang bilang ng mga nasawi sa nagdaang bagyong Pedring na umabot na ngayon sa 43 katao habang nasa 14 naman ang mga nawawala.
No comments:
Post a Comment