One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

‘Travel alert’ kasunod ng pagpatay sa AQ cleric


WASHINGTON – Pinag-iingat ng Amerika ang mga mamamayan nito kasunod ng pagkamatay ng notoryus na Yemeni-American cleric ng al-Qaeda na si Anwar al-Awlaki.

Nabatid na naglabas ng worldwide travel alert ang State Department isang araw matapos mapatay si Anwar sa joint airstrike ng U.S. military at Central Intelligence Agency (CIA) sa bayan ng Al Khasaf sa Yemen.

Inaasahan na kasi ang posibleng pagganti ng mga loyalista ng al-Qaeda cleric sa mga susunod na araw, bagay na ngayon palang ay pinaghahandaan na ng mga opisyal ng Amerika.

“Awlaqi’s standing as a preeminent English-language advocate of violence could potentially trigger anti-American acts worldwide to avenge his death,” nakasaad sa travel alert ng State Department. “In the past Awlaqi and other members of AQAP have called for attacks against the United States, US citizens and US interests.”

Una rito, idineklara ni U.S. President Barack Obama na isang malaking dagok sa teroristang grupo na al-Qaeda ang pagkamatay ni Anwar al-Awlaki.

Kasama ni Al-Awlaki na nasawi ang isa pang opisyal ng al-Qaeda sa Arabian Peninsula na si Samir Khan at dalawa pang operatives ng teroristang grupo.

Ayon sa Pangulo, ang cleric ang namumuno sa external operations ng Al Qaeda sa Arabian Peninsula at utak sa ilang tangkang terroristic attack sa Amerika.

Si Al-Awlaki ang itinuturo ng Amerika na nasa likod ng bigong pagpapasabog sa eroplano na patungong Detroit noong Disyembre 2009 at pagpapadala ng mga bomb packages sa Chicago noong nakaraang taon.

Isa siyang U.S. citizen na ipinanganak sa New Mexico at ang mga magulang ay Yemeni kaya siya ang pinakaunang American na nasa “kill or capture” list ng CIA.

Sinasabing pagkatapos ni Osama bin Laden, si Al-Awlaki ang pinakamalaking Al Qaeda figure na napatay.

Sa pagkamatay ni Al-Awlaki, inihayag ni Obama na nananatiling mapanganib ngunit mahina na ang teroristang grupo. (CNA)

No comments:

Post a Comment