One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

‘Pag-atake sa Surigao mines, rebel policy’


BUTUAN CITY – Inako at idinepensa ni Ka Oris, tagapagsalita ng National Democratic Front-North Eastern Mindanao Region, ang isinagawang pag-atake ng New People’s Army (NPA)  sa Taganito High-Pressure Acid Leaching (THPAL-Sumitomo Mining Corporation), Taganito Mining Corporation (TMC) at Platinum Gold Metal Corporation (PGMC).
Ayon kay Ka Oris, pagpapatupad lamang ng polisiya ng rebolusyunaryong kilusan ang kanilang ginawa para sa proteksyon ng kalikasan at likas na yaman pati na sa karapatan ng mga katutubo, mga magsasaka at mga obrero.
Ito’y dahil sa 30 taong operasyon umano ng Taganito Mining Corporation na isa lang sa tatlong malalaking mga minahan ng Nickel Asia Corporation na pag-aari ni Manny Zamora, ay nagdulot ito ng malaking pinsala sa kalikasan ng probinsya.

Habang ang Platinum Metal Corporation na nagmimina ng nickel ore para sa mga foreign buyers ang siya namang nakasira sa kabundukan dahil sa milyong tonelada na kanilang nahakot dahil sa concession na hindi naman umano nagbibigay ng tamang trabaho sa mga tao.
Ang operasyon naman ng THPAL-Sumitomo na nagpoproseso ng nickel ay taliwas umano sa propaganda nito na walang idudulot na sira sa kalikasan, dahil ang ginamit nilang maramihang makalasong asido na sulfur ay makakasira raw sa tao at kalikasan kung kaya’t dapat nang itigil ang operasyon ng naturang mga kompaniya.
Kaugnay ng matagumpay na pagpaparusa ng tatlong mga mining companies sa Claver, Surigao del Norte kahapon, pinuri at sinaluduhan ni Ka Oris ang kanilang mga kasamahang rebelde.
Kaugnay nito’y binabalaan din ni Ka Oris ang mga contractors na sumali sa maling operasyon ng mga higanteng kompaniya sa pagmina, na hindi sila magdadalawang isip sa pagsira ng kanilang kagamitan kung hindi sila titigil sa kanilang kontrata.
Ngunit para umano sa interes ng taongbayan ay bukas silang makipag-ugnayan sa mga kompaniya sa ilalim ng kondisyong handa rin ng mga itong sundin ang polisiya ng kilusan.

No comments:

Post a Comment