One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

Gov’t agencies, nag-ulat sa epekto ng 2 bagyo

Personal na humarap si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang alamin ang mga pinakahuling impormasyon sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Ito ang kauna-unahang pagdalo ni Pangulong Aquino sa NDRRMC briefing mula ng manalasa ang bagyong Pedring.

Kabilang sa mga naglahad ng kanilang report sina NDRRMC Executive Director Benito Ramos, Social Welfare Sec. Dinky Soliman, Pagasa Administrator Nathaniel Servando, PNP Chief Nicanor Bartolome at mga kinatawan ng iba pang mga ahensiya.

Sa nasabing pulong ay naglahad din ng mga rekomendasyon ang mga opisyal para sa mas epektibong aksyon laban sa pinsala ng kalamidad.

Aminado naman si Ramos na pangunahing problema sa kanilang rescue effort ang maraming mamamayan na hindi sumusunod sa utos ukol sa paglikas.

Ito aniya ang dahilan kaya maraming naiipit sa mga lugar na apektado ng baha.

Nais naman ng punong ehekutibo na malaman kung sapat ang pagbibigay ng impormasyon sa mga mangingisda dahil dose-dosena pa rin ang nawawalang mangingisda na sinasabing pumalaot kahit may babala na ng bagyo sa malaking bahagi ng Luzon.

Ibig ding paimbestigahan ng Pangulo kay DPWH Sec. Rogelio Singson ang tunay na dahilan ng pagkawasak ng sea wall sa bahagi ng Manila Bay.

Ayon sa chief executive, kailangang malaman kung nasunod ang orihinal na plano sa nasabing istraktura o kung na-modify at kung bakit nagkaroon ng pagbabago.

Bukod sa magiging basehan ng mas matibay na panangga sa mga alon, malalaman din umano kung tama ang naging proseso sa pagbuo ng nasabing sea wall.

Ang ipapalit na istraktura kasi ang magpo-protekta sa Metro Manila kung sakaling maulit ang paglaki ng mga alon, pati na ng storm surge.

No comments:

Post a Comment