One Radio 102.7 FM Ang Radyo ni Juan:

Comelec Chair Brillantes, lusot na sa CA


Tuluyan nang nakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes.
Bago ito, makailang beses na ring naantala ang kumpirmasyon ni Brillantes bunsod ng pagtutol ni Sen. Alan Peter Cayetano dahil sa kinikuwestyon na kredibilidad ng Comelec chairman para pamunuan ang komisyon.
Pero sa pagdinig sa plenaryo ng CA kanina ay hindi na tumutol si Cayetano at sa halip nag-abstain ito sa kumpirmasyon ni Brillantes.
Pagbibigyan na lamang umano ng senador si Brillantes na gawin ang kanyang tungkulin at patunayang mali ang mga ipinupukol na alegasyon laban sa kanya.

Hindi na rin kinagat ng mga miyembro ng CA ang naging pagtutol ni dating Comelec Law Department head Atty. Ferdinand Rafanan sa kanyang boss.
Samantala, maliban sa Comelec chairman ay nakalusot din sa CA si Commission on Audit (CoA) chairperson Ma. Grace Tan.
Gayunman, muntik pang maunsyami ang kumpirmasyon ni Tan nang lumutang ang nag-iisang oppositor nito na nagpakilalang isang certified public accountant na si Marcelo Tecson.
Sa kanyang oposisyon, ipinunto ni Tecson ang pag-abolish ni Tan sa pre-audit system ng komisyon.
Giit ni Marcelo, dapat ay panatilihin ang pre-audit at hindi lamang post audit sa mga expenses ng gobyerno upang agad na maiwasan ang talamak ng katiwalian.
Gayunman, kinuwestyon ng mga miyembro ng CA ang timing ni Tecson, kaya’t kinumpirma ang appointment ni Tan bilang pinuno ng CoA.

No comments:

Post a Comment